Siko Nemie
Salita niya’y piling-pili’
Minsanan lang kung mangiti
Pag-iisip ay masusi
Malalim at makuriri
Madalang na ang buhok niya
Malamlam ang mga mata
May gatla at mga linya
Ang matingkad na balat niya
Ngunit may ibang kislap
Kung ang mga pangungusap
Ay magawi sa pangarap
Ng mga mahal niyang anak
Sa lahat ng pinagdaanan
Araw, bagyo man o ulan
Matatag niyang pinanindigan
Pagiging ulo ng tahanan
Sa halos apat na dekada
Ng kanilang pagsasama
Wala ni kaunting pagdududa
Kabiyak ay pinakamamahal niya
Sa likod ng angking tapang
At talino’t karunungan
Sa mahigpit niyang pagtangan
Sa prinsipyong pinaniniwalaan
Naroon pa rin ang katauhan
Na may higit na pang-unawa
At pusong mapagpatawad
May malasakit at kalinga
Sa tanging araw na ito
Sa iyo, Siko, ako’y sumasaludo
May paghanga’t pagmamahal
Kita’y aking tinatanghal!
Maligayang kaarawan!
Fe
December 18, 2009
No comments:
Post a Comment